top of page

TULAlang Manunula
Pagsulat ang bumubuhay sa aking mga letra
Sa mga panahon na kung saan wala akong matakbuhan
Pagsulat ang tangi kong naging sandalan at aking karamay
Sa lahat ng sitwasyong malungkot kong pinagdaanan
Tula ang tangi kong kakampi at letra ang aking naging buhay
Home: Welcome

Sa bawat araw na dumaraan umiikli ang sandali
Na ang makapiling ka kahit saglit ay 'di na maaari
Sa bawat gabing nag-iisa'y umiigting ang pighati
Na nadarama ng puso buhat ng mawala ka sa 'king tabi
Hindi na mabilang ang luha na ipinatak sa lupa
Tila kusang tumutulo sa tuwing naaalala ka
Bakit ba kailangang distansya nati'y nasa magkabilang dulo ng karagatan?
Tila ba ang makasama ka ay wala na akong karapatan
Bakit ba ang ang puso mo at puso ko ay kailangan pang maghiwalay?
Maging ang takbo ng ating orasan ay hindi magkasabay
Para kang isang bitwin, sa layo mo'y hirap ng abutin
At ako ang buwan sa iyong paningin na ang paligid ay madilim
Walang liwanag at ilaw dahil walang ikaw
Walang kayakap sa gabi kundi kumot sa ginaw
Bakit ba kailangang ang distansya natin ay nasa milya-milya?
Para bang ang maglapit tayong dalawa ay sa pamamagitan ng alaala
Na nag-uugnay sa 'tin kahit nasa magkabilang mundo ang presensya
Nang pagmamahalan na magkalayo at pawang 'di naglalapit
Dahil ang tadhana'y malupit at sa ati'y nakahadlang
Ang mundo daw ay maliit pero ba't ang magsama tayo'y walang puwang?
Bakit kung sino pa 'yung mga seryosong nagmamahal, sila pa ang nagsasama ng saglit?
Bakit kung sino pa 'yung mga naglolokohan, sila pa ang pinaglalapit?
Ang magmahal ka ng malayo sa 'yo ay walang kasing-sakit
Dahil walang kasiguruhan kung may pagmamahal pa sa 'yo na bumabalik
Ang distansya ng pagmamahal mo kahit malayo ay malapit pa rin
Dahil ang pangako nating dalawa kailanman ay 'di ko buburahin
Pagkat ang distansya'y 'di hadlang kung tapat kang nagmamahal
At masaya ang maghintay sa 'yo kahit gaano pa 'yan katagal
~Xander Venix
Home: Quote

Sa laro, laging may matataya, laging may mananalo at mayroong matatalo
Sa pag-ibig laging may tataya, laging may susugal kahit hindi naman sigurado
Laging may iiyak, laging may masasaktan, laging may masusugatan at laging may maiiwan
Laging may lungkot at mayroong ngiti, laging may totoo at mayroong kunwari
Kunwari kaya ko kayong makitang magkasama kahit nakakairita sa mata
Kunwari kaya kong pakinggan ang mga panunukso sa inyo kahit masakit na sa tenga
Kunwari kaya kong ngumiti kahit nanginginig na ang panga
Kunwari kaya ko kayong samahan kahit pagod na ang paa
Puro kunwari, puro na lang pagtatago, puro na lang pilit at puro na lang pagkabigo
Lahat kayang dalhin ng kunwari, 'yung kunwari masaya ako na masaya ka
Kahit ang totoo malungkot ako kasi hindi ako ang dahilan
'Yung kunwari kapiling kita at tayong dalawa lang ang magkasama
Pero ang totoo, hanggang sa pangarap lang
'Yung kapag kaharap kita kunwari ay tuwang-tuwa ako
Pero ang totoo, ako'y nanlulumo kasi hindi ako ang iniisip mo
'Yung kasama man kita ng personal pero ang puso't isip mo'y nasa iba naman
'Yung kayang-kaya kitang titigan ng matagal pero hindi naman ako ang 'yong tinitingnan
Ang hirap magkunwari na kaya kitang tingnan na kasama ang iba
Kung siguro umamin ako agad baka may nagbago pa
At totoo nga dahil ang laki ng nagbago sa 'yo
Naging malamig na rin ang pakikitungo mo
'Yung dating kapag kausap ka ako'y pinapakinggan mo
Ngayon ay nakikinig ka lang at kunwari'y naiintindihan ako
Ang dali dati para sa akin na lapitan ka pero ngayon palapit pa lang ako ay lumalayo ka na
Ang dali para sa 'yo dati na sa akin ay magkwento ka pero ngayon kahit kausapin ako ay 'di mo na magawa
Kunwari na lang tanggap ko 'yon pero 'di mo alam labis akong naapektuhan
Kasi bawat sandaling naiisip kita ako'y nalulungkot na lang
Kunwari ayos lang ako kahit 'di mo 'yon ramdam
Kasi ayoko ng magparamdam kung wala ka ring pakialam
Kunwari... Kunwari na lang 'di tayo nagkatagpo at 'di tayo nagkakilala
Para lahat ng kunwari ko ngayon ay maging totoo na
Totoong ginusto kita pero kunwari do'n lang 'yon at wala ng iba pa
~Xander Venix
Home: Quote

Subukan nating ipaglaban ang ating pagmamahalan
Huwag mong sabihing may tuldok agad pagkatapos maglambingan.
Pwede kang magtanong pero 'wag ka agad magdamdam
Huwag kang gumamit ng gitling para sa ating hiwalayan
Pwede mo akong tanungin kung espesyal ka ba sa akin
Pero 'wag kang gumamit ng kudlit para sabihing may kulang pa sa akin
'Wag mong idahilang sawa ka na sa ugali kong padamdam
Tapos gagamitan mo ako ng panipi para ihayag ang "Paalam"
'Wag kang gagamit ng panaklong kung 'di mo ako maintindihan
Hayaan mo na lang ako dahil ang dulo nito'y tuldok rin naman
Ikaw ang pantanging natatangi sa maraming dahilan
Ngunit isa ka ring pang-abay na magaling sa gamitan
Ikaw ang simuno nitong aking mga panaguri
Dahil isa kang pandiwang nagsasaad ng mga nangyari
Sa kuwento natin kung saan ang simula, gitna at wakas
Ay hinati na ng mga bantas
Kung ilalaban pa kita ngayon paano naman ang bukas?
Paano ako lalaban kung ikaw na ang tumapos sa lahat
Itong batas ba ng pag-ibig na tayo ay bawal lumabag?
Kung susundin ko ba iyan mamahalin mo ako ng tapat?
Ayaw ko ng lumaban sa pagitan ng larong ang pusta ay mahal
Na ako lang naman ang tumataya at siyang laging sumusugal
Ayaw ko na ring gamitin ang bantas dahil gusto kong iyo itong maramdaman
Na minahal kita noon pero pinagpalit mo lang ako at sinayang
Kaya heto ako ngayon sa huli kong salita'y magpaparamdam
Ang sakit na dinulot mo sa akin noon, nang sabihin mong PAALAM.
~Xander Venix
Home: Quote

​
Masarap sanang balikan ang mga araw na nagdaan
Pero bumabalik din ang alaalang nananakit lang
At pilit pinapaluha ang aking mga mata
Sa tuwing naaalala ko ang mga araw na kasama pa kita
Noong una'y masaya pero no'ng tumagal ay masakit na
Noong una'y nakakakilig pero paglipas ay nagsawa na
Nagbagong bigla ang timpla ng pagmamahal na dating matamis ngunit biglang pumait
Nang sa puso mo'y tinanggal mo ako at nagkaroon ng kapalit
Napakahirap piliting ipikit ng mga mata sa aking pag-idlip
Kung sa bawat pagdilat ng mata ay ikaw ang naiisip
Ang hirap isiping bigla lang tayo nagtapos sa 'di malamang dahilan
Bigla mo lamang akong iniwang luhaan matapos mo akong palitan
Kay sarap sanang bumalik sa mga araw na sa akin ka lang
Pero 'di kabuhayan ang pagiging maramot kaya ibinigay ko ang iyong kalayaan
Isinakripisyo ang sariling kasiyahan basta maging masaya ka lang
Na 'di mo nagawang suklian kahit paghingi ng kapatawaran
Pero 'yan ang ating kapalaran kaya tinanggap ko na lang
Na sa mundong mapaglaro, puso ko'y iyong pinaglaruan
Ako ang nakaraan mong nagawa mong iwan at saktan
At ikaw ang alaala sa bangungot ng kahapon kong ayaw ko ng muli pang balikan
~Xander Venix
Home: Quote

Sa bawat sandali na nakikita kita
Dinadaig mo pa ang salita kapag pinagtugma
Ang mga letrang ginulo na tanging tayo ang paksa
Aaminin ko sa 'yo, ikaw ang paborito kong tula
Na nais kong ikatha at isulat sa papel
Tinatanong sa 'king sarili kung pwede bang pumapel
At lagyan ng titulo ang kuwento nating dalawa
Mga tula na nilikha ko para sa 'yo nang mag-isa
Ikaw ang tanging tula na nais kong ulit-ulitin
Balik-balikan ang mga kuwento buhat ng maging alipin
Ang kagaya ko na tanging sa tula lamang umibig
Ikaw ang tulang iyon pagkat ikaw lamang ang hilig
Na isulat sa kwaderno na may pantig sa 'ting pag-ibig
Gamit ang mga letra ng katinig at patinig
At ang tibok ng aking puso'y iyo sanang marinig
Kahit hindi mo 'to ramdam at kahit 'di ka makinig
Lagi mong tatandaang buhay ka sa 'ting pag-ibig
Ikaw ang paboritong tula ng puso kong pumipintig
Dito na nga lamang siguro tayo malayang magsama
Kung saan 'di tayo mahahadlangan ng kapalaran at tadhana
At kahit husgahan pa ang kahulugan ng ating pagmamahal
Ikaw lamang ang paborito kong tula na sa akin ay nagtagal
Ikaw ang tanging tula na 'di pansin ng karamihan
Na nagbigay sa 'kin ng dahilan para lumaban
Sa alaala ng nakaraang pagkabigo at kalungkutan
Ikaw ang nawawalang piraso ng buhay ko na 'di ako nagawang iwanan
At kung sakaling 'di na pansin ng mundo ang tunay mong halaga
Bumalik ka lang sa akin muli at tatanggapin kita
Nang buo bilang ikaw upang gawin muling paborito kong tula
At ituloy ang kuwento nating nagsimula lamang sa pluma at tinta
~Xander Venix
Home: Quote

Napakahaba ng paglalakbay na tinahak sa panahon
Nasubok ang katatagan sa pagharap ng mga hamon
Nadapa ng paulit-ulit pero patuloy na bumangon
Para harapin ang sitwasyon at bigyan ito ng solusyon
Nasubukang ilang ulit na matalo pero hindi sumuko
Nanatiling nakatayo at tinanggap ang pagkatalo
Sa lahat ng laban 'di nagawang magmataas
Nanatiling mababa, mahina't walang lakas
Pero hindi ito naging dahilan para sukuan ang laban
Wala mang gantimpalang makamit, wala mang makuhang karangalan
'Di man makilala ang pangalan, 'di man masabing mayroong napatunayan
Ang sundalong walang armas ay siya pa ring pinakamatapang sa digmaan
Sabay sa ating paglisan ay ang bakas ng alaala
Na mananatili nating marka na kailanman ay 'di mabubura
Sa bawat paglisan laging mayroong pumapalit
Parang alaala lang na maaari sa ating bumalik
At balikan ang kahapon kung saan tayo nagsimula
Kung saan natin sabay-sabay na tinahak ang landas na payapa
Na ngayon ay ating lilisanin ngunit ating babalikan
Lilipas lang ang panahon pero hindi ito malilimutan
Mananatili sa puso't isipan ang kaganapang minsan sa ati'y nag-ugnay
Magkalayo man ang ating mga landas pero hindi maghihiwalay
Dahil sa minsang paglakbay marami tayong natutunan
Na ating babaunin hanggang sa kinabukasan
Kaya salamat sa lahat ng nakasama ko sa laban
Hindi ito ang huli at hindi ito ang paalam
~Xander Venix
Home: Quote

Lumilipas ang bawat araw na ako sa iyo'y hanggang sulyap lang
Lumalapit ng kaunti pero hanggang do'n lang
Dahil mahirap ng sa 'yo ako ay may pagtingin
Na 'di ko kayang aminin at 'di ko kayang sabihin
Kung sana lang kayang aminin ng isang salita ang nais kong sabihin sa 'yo
Na ikaw sa bawat araw ang siyang gusto ko
Pero hindi 'yon maaari dahil maraming mababago
Ang relasyong magkaibigan ay maaaring maglaho
Kung sana lang pwedeng hilinging wala na lang magbago
Pero hindi 'yon maaari dahil relasyon nati'y kumplikado
At kahit aminin ko pa ito sa iyo'y wala pa ring tayo na mabubuo
Dahil ang relasyong magkaibigan ay hanggang do'n lang at limitado
Kahit sabihin ko pang ikaw sa bawat araw ang hanap ko
Na pangalan mo'ng sa puso ko ay nakamarka at sa isip ko'y ikaw ang parating naaalala
Ay mananatiling relasyon nati'y magkaibigan lang talaga
At wala ng mababago dahil hanggang do'n lang talaga
Kung pwede lang, kung sana lang
Kung maaari lang sa ati'y wala ng humahadlang
Pero ito ang ating kapalaran kaya tinatanggap ko na
Sa pagitan ng ikaw at ako, tayo ay magkaibigan lang talaga
~Xander Venix
Home: Quote

Nandito na naman ako sa isang tabi
Nag-aantay sa pagbabalik mo
Na kahit iba na ang hawak mong kamay parati
Ay umaasa pa rin ako
Na babalik ka, sa dating tagpuan
At kahit malabo na ngayong mangyari
Na muli pa tayong pagtagpuin ng kapalaran
Maghihintay ako sa 'yo gaya ng dati
Na kahit pumatak pa ang ulan
At sumabay ang aking mga luha
Mawalan man ng pag-asang muli pa kitang makita
Dito sa tagpuan, ikaw ay paulit-ulit na babalikan
At kung sakaling matanaw kita na masaya na sa kaniya
Asahan mo ako, nandito lang pagmamasdan ka
Na kahit 'di mo lingunin ay makukuntento na
Dahil dito sa tagpuan kung saan kita nakasama
Dito ako mananatili at magsasabing Paalam na.
~Xander Venix
Home: Quote

Walang perpektong taong kayang mamuhay ng mag-isa
Ang lahat sa mundong 'to kailangang may kasama
Lagi mang bigo ang pusong umalam ng nararapat at hindi
Ang utak na ang bahalang magdikta ng tama at mali
Nasisilaw tayo sa liwanag na dala ng pag-ibig
Gaano man kahangal ang magmahal, tayo'y maninindigan kahit masakit
​
Tinatamaan agad ang puso sa mga salitang bago at nakakakilig
Ang hindi nito alam, hatid ng pag-ibig ay pasakit
Yung tipong patuloy na nakikinig sa kasinungalingang paulit-ulit
Oh pag-ibig nga namang hangal sa pusong pumipintig
~Xander Venix
Home: Quote

Wala naman akong ibang hiniling kundi ang makasama ka
Ang makita ka lang sa bawat araw, 'yun lang sapat na
Lagi kong dinarasal na sana, sana ako na lang siya
Ang kasama mo sa bawat sandali, sa'n ka man magpunta
Na parang wala ng bukas na maaari kayong magsama
Gawin ko mang lahat para sana iwasan ka
​
Tao lang din naman akong nagmamahal sa 'yo ng mag-isa
Aaminin ko hanggang ngayon ay minamahal pa rin kita
Yung salitang paalam ay binabawi ko na
Oo wala naman kasing nagbago kasi hanggang ngayon ikaw lang talaga
​
Pilitin ko mang umiwas pero 'di ko talaga magawa
Ewan ko kung bakit pero ikaw lang talaga
Ramdam ko kasing 'pag nandiyan ka lalo akong sumasaya
Oo walang tayo pero masama bang umasa?
​
Madalas ko mang sabihing sa 'yo ako ay tapos na
Aaminin ko pa rin na hindi ko 'yon magagawa
Sinasabi ko sa ibang masaya na ako na masaya ka
Ang hindi nila alam malungkot akong nasa iba ka na
Madalas ko mang sabihing nalimot na kita
Ano mang gawin ko pero 'di ko pala kaya
​
Bali-baliktarin ko man pero ikaw lang talaga
Ang ninanaiis kong parati na aking makasama
Noon at ngayon wala namang nag-iba
Ginawa ko lang iwasan ka para sumaya ka
​
Uulitin ko, masama ba sa 'yong umasa?
May mahal ka mang iba pero ano naman 'di ba?
Ako lang naman ang may alam na mahal pa rin kita
Sikreto lang 'to pero sana ngayon alam mo na
Ang minahal ko ay ikaw kahit mas gusto mo ang iba
~Xander Venix
Home: Quote

Kailan ba lilimutin ang salitang kaibigan lang?
At kailan ba matatanggap na hanggang pangarap ka na lang?
Isipin ko mang gusto kita noon pa man, kaibigan ay kaibigan lang 'yun ay hanggang doon lang
Bakit sa bawat paglapit ko ay siya mo namang paglayo?
Ibalik ko man ang dati ay imposible at malabo
Gawin ko mang lahat para lang mapansin mo pero kaibigan lang talaga tayo at 'di tayo talo
Alayan man kita ng ilang tula at mga rosas na pula
Ni hindi mo naman 'yun mapapansin kasi sa 'yo'y may iba ng nagpapasaya
At haranahin man kita kahit wala sa tono ang pagkanta
Yung sitwasyon nating magkaibigan lang ay 'di naman maiiba
Kahit ipakita't iparamdam ko sa 'yo na mahal nga kita
At ipagsigawan sa mundo na ikaw lang talaga
Ipilit ko man wala namang maiiba, kaibigan ay kaibigan lang at 'yun ay du'n lang talaga 'di ba?
Bigyan man kita ng dahilan para ang kaibigan ay maging kai-bigan
Ibigay ko mang lahat ay 'di pa rin sasapat dahil ang turing mo parati sa akin ay kaibigan lang
Gawin ko mang mundo ang ikaw na tao lang
Ang papel ko sa buhay mo ay magiging tagahanga mo lang
Na hanggang paghanga lang sa 'yo sa malayuan
Lagi ko mang isipin na minsan sana ikaw ay maging akin
Ang titulong kaibigan lang ay kay hirap ng baguhin
Na parating nakapagitan sa relasyon nating kumplikado
Ganiyan talaga kapag nagmahal ka ng kaibigan mo..
~Xander Venix
Home: Quote

Sa tuwing napapadaan ako sa mga kalye ng Maynila
Naiisip ko, masaya siguro maglakbay kapag may kasama ka
Masaya sigurong maglakad sa ilalim ng araw kapag may kapayong ka
Masarap sigurong magtampisaw sa tubig kapag umuulan na
Masaya siguro kapag may hawak kang kamay kapag naglalakad ka
Masarap siguro sa pakiramdam na may kaakbay ka sa upuan kapag gabi na
Habang pinagmamasdan sa kalangitan ang nagliliwanag na buwan at mga tala
Masaya siguro ako kapag kahawak-kamay kita sa lahat ng b'yahe ko
Katabi kita sa lahat ng sinasakyan ko
Kayakap kita kapag nalulungkot ako
Maging sa kasiyahan ko'y ikaw ang nasa piling ko
Masaya siguro sa pakiramdam na habang naglalakad ako ay kasabay kita
Yung kahit sa'n tayo mapunta ay kasama lang kita
'Di siguro ako maiinggit sa mga nakikita kong may kapareha
Kung sana lang ikaw ang kasama ko at 'di mo kasama ang iba
Kung sana lahat ng pupuntahan ko ay nand'yan ka
Siguro... Sana... Baka maging masaya pa ako kahit pansamantala
Pero baliktad ang sitwasyon
Dahil kapag bumab'yahe ka iba ang kasama mo
Kapag naglalakad ka iba ang kasabay mo
Kapag giniginaw ka iba ang kayakap mo
Kapag umuulan iba ang kapayong mo
Kapag masaya ka, siya ang dahilan mo
At ako? nandito ako nakatanaw sa malayo
Pinagmamasdan ko kayo sa bawat anggulo
At kapag nakita kong masaya ka na
'Di na ako lalapit pa
Dahil kung sa iba ka na masaya
Pinapalaya na kita
Dahil huli na 'to, masaya na 'ko kahit malungkot pa rin
At masaya na 'kong sa wakas ay naging masaya ka na rin...
~Xander Venix
Home: Quote

Magsisinungaling ako 'pag sinabi ko sa sarili kong 'di kita gusto
Kahit alam ko ang katotohanan ng salitang sa 'yo lang ang puso ko
Oo sa 'yo lang, bawat pagkilos at pag-ikot ng mundo ko'y sa 'yo nakalaan
Bawat atensyon, panahon, oras at hinaharap sa 'yo ko lang iaalay 'yan
Pero bakit napaka-bilis mo namang magbago
Napaka-bilis mo namang kalimutan ang mga alaala nating binuo
Bakit kung kailan ramdam ko ng mahal kita
'Saka ka naman mawawala?
Bakit kung kailan tanggap ko na sa sarili kong handa na 'kong magmahal ulit
'Saka mo naman ipararanas sa 'kin yung bagay na maghahatid sa akin ng pighati at sakit?
Bakit kung kailan sigurado na ako sa tibok ng puso ko
'Saka mo naman ako sinaktan ng todo-todo?
Oo, siguro noon sa 'yo lahat ng sa akin
Pero ang sa 'yo kailanman hindi ko naging pagmamay-ari
Oo, siguro noon lahat ng bagay kinakaya kong gawin
Pero ngayon tanggap ko ng lahat ng 'to ay ilusyon ko lang
Oo, panigurado, masakit ngang tanggapin
Na ang palayain ka ay tangi ko na lang nararapat na gawin
Dahil habang patuloy akong kumakapit
Unti-unti kang bumibitaw
Habang patuloy akong lumalapit
Unti-unti kang umaayaw
Na para bang ang mundo nati'y 'di akma at para sa 'ti'y masikip
At ang magsama tayo'y 'di maaari kahit pa ipilit
Oo, at sigurado na ako dahil ito na ang huli
Dahil habang mahal kita mananatili ang sakit
Dahil habang iniisip kita mananatili ang kirot
Dahil habang naririto ako patuloy ka lang na lalayo
Kaya pangako, huli na 'to
Dahil tinatapos ko na ang ilusyong wala namang ikaw nang mabuo
~Xander Venix
Home: Quote
.jpg)
Mali ka
Kaya masama ang loob ko
Dahil 'di mo ako gusto
Kung inaakala mo na
Matagal na kitang hinahangaan
Nagkakamali ka
Dahil ngayon palang sasabihin ko na sa'yo
'Di ikaw yung tipo ko
Kaya 'wag ka makinig sa nagsasabing
Gustong-gusto kita
Dahil hindi ikaw yung itinakda para sa akin
'Di kita magugustuhan
Kailanman 'wag ka maniwala na
Parating ikaw ang hanap-hanap ko
Kasi sa bawat araw na 'di ka sumasagi sa isip ko
Iniisip kong sana totoo nalang lahat ng 'to
Para hindi masakit sa pakiramdam
Mahal kita pero hanggang pangarap lang tanggap ko
Dahil magiging maling mali ka
at Sa lahat 'di ikaw ang pipiliin ko
Huwag ka maniniwalang mahal kita
Makinig ka
​
^......Basahin Pataas.....^
~Xander Venix
Home: Quote
.jpg)
Lumipas na ang maraming araw
Pumatak na ang paulit-ulit kong luha
Nalimot na ang mga nagdaang alaala
Pero bakit kahit anong gawin ko
nananatiling ikaw pa rin?
Ikaw pa rin ang hanap ko
Ikaw pa rin ang kailangan ko
Sa bawat umagang maginaw hinahanap ko ang yakap mo
Sa bawat gabing madilim nakapikit akong inaaalalang kasama ka
Sa bawat pagmulat ng mata ko hanap ka,sa tabi ko,kapiling ka
Ang bilis lumipas ng araw,ng panahon,ng oras
Lahat ay mabilis,lahat ay malungkot
Bawat kabanata ng kwento ko unti-unting nagtatapos
Ang bawat ngiti,ang saya,ang tawa. Malapit na lahat mabura
Pero sa aking paghakbang may natagpuan akong pag-asa... Posible
Na sa bawat ikot ng mundo,sa bawat pintig ng puso ko hanap-hanap ko ay ikaw
Yung ikaw na kasama kong tumawa, malungkot,sumaya,ngumiti,tumitig
Na sa bawat hakbang ko patungo sa
kalungkutan ay natatanaw ang larawan mong nagbibigay sa 'kin ng kalakasan
Yung kahit anong gawin ko nananatiling ikaw pa rin
Ikaw pa rin ang buhay ko,ang aking alaala
Takot pa rin pala ako,nananatiling mahina
Natatakot akong mawala ka
Na sa bawat paghakbang ko hindi tayo
magkasabay
Na sa bawat kwento ko nawawala na ang kulay
Tipong kahit anong hakbang ko kasama ko ang pangamba
Ang takot,ang pangungulila,ang luha
Ang takot na baka hindi na kita makita
Ang pangungulila sayong alam kong panghabambuhay na
Ang luha na patuloy na pumapatak sa aking mata
Ikaw pa rin pala ang dahilan ng lahat
Hanggang ngayon 'di ko pa rin kayang mag-isa
Ang hirap pa ring humakbang na nakapako ang isa kong paa
Ang hirap pa rin pala pero nandiyan ka
Ang aking inspirasyon,ang habambuhay kong lakas
Ikaw pa rin ang nag-iisa. Sa buhay ko,sa puso ko
Ikaw pa rin ang kailangan ko. Sa umaga at sa gabi
Ikaw pa rin ang gusto ko. Dito. Dito sa aking tabi
Ngayon,bukas,sa hinaharap
Ikaw pa rin.
Ikaw pa.
Ikaw lang.
Habambuhay. Hanggang wakas.
~Xander Venix
Home: Quote
.jpg)
Dumidilim na ang ulap
Kasabay ang paglamon sa aking mga pangarap
Na makasama ka hanggang sa hinaharap
Kahit sa panaginip man lamang ika'y aking mayakap
Makapiling kang muli ng may pagngiti
Sa iyong mga labi
Nang-aanyayang muling hawakan ang 'yong kamay gaya ng dati
Na may paunlak at 'di ng pagtanggi
Malapit ng bumuhos ang ulan
Sabay sa pagkubli ng dalisay na ulap
Ay ang luhang nagbabantang pumatak
Sa aking mga mata na 'di ko mapigilan
at kusa ng tumulo patungo sa kalupaan
'Di na mapipigilan, 'di na matitigil
Mga sakit na iniwan ng paglisang taksil
Bumuhos ng minsan ang ulan
Na 'di na muli pang masusundan
Ng kahit na bahid ng hapdi at kirot
O kahit ng pangungulila at lungkot
Dahil huli ng papatak ang ulan mula sa ulap
Huli na itong pagtangay sa aking mga pangarap
Huli ng papatak ang mga luha ko sa mata
at kahit punasan mo pa ulit ay 'di mo na muli pang padadala
Dahil tinapos na ng ulan ang sakit ng nakaraan......
Paalam...
~Xander Venix
Home: Quote
Our Recent Posts
Tags
Home: Blog
Home: Subscribe
Home: Contact
bottom of page